Makilahok sa pagpapaunlad
ng kahandaan sa pagbasa ng bawat bata!
Ang Handang Magbasa
ay isang programa para sa mga magulang at mga Child Development Worker (CDW) na magkatuwang na nagtataguyod ng kakayahan sa kahandaan sa pagbasa ng mga batang edad tatlo hanggang apat na taon na nag-aaral sa mga Child Development Center (CDC).
Ang pangunahing mithiin ng programa ay mapaunlad ang pangkalahatang kakayahan ng bata sa kahandaan sa pagbasa o reading readiness sa pamamagitan ng mabisang interbensiyon sa bahay at paaralan.
Ang bawat kalahok na CDW ay makatatanggap ng
1 training manual na maaaring gamiting gabay habang pinapanood ang mga training video
Ang bawat kalahok na CDC naman ay makatatanggap ng
40 Adarna House Big Books
At ang bawat kalahok na magulang ay makatatanggap ng
1 training manual na maaaring gamiting gabay habang pinapanood ang mga training video
4 Adarna House Picture Books
Mga Layunin ng Handang Magbasa
Mabigyan ang mga CDW ng mga impormasyon, resource, at kagamitang maaaring magamit sa silid-aralan sa pagtuturo ng kahandaan sa pagbasa.
Mabigyan ang mga magulang ng mga impormasyon, resource, at kagamitang maaaring magamit sa pagtuturo ng kahandaan sa pagbasa at pagtataguyod ng kultura ng pagbabasa sa tahanan.
Maihanda ang mga batang edad tatlo hanggang apat na taong gulang na nag-aaral sa mga CDC sa maayos na pagkatuto ng pagbabasa.
Magkaroon ng access sa mga resource!
Para sa mga CDW
Bilang guro ng mga bata, mahalaga ang inyong papel sa pagpapalaganap ng kahandaan sa pagbasa. Mahalaga ang pagtataguyod nito sapagkat may malaki at panghabambuhay na positibong epekto ito sa bata. Parating isaisip ang malaking posibilidad ng pagtatagumpay ng mga bata sa kahandaan sa pagbasa sa pamamagitan ng mga simpleng gawain na inyong maitataguyod sa klase.
Kahit nagsimula na ang school year, hinihikayat namin kayong balik-balikan ang mga training video at ang inyong manwal bilang gabay upang makatulong sa inyong paghahanda ng mga lesson plan at gawain sa pagpapatibay ng kahandaan sa pagbasa at pagsulat ng mga bata.
Para sa mga Magulang
Ang kahandaan sa pagbasa ay ang karunungan at mga kakayahang kailangan ng isang batang naghahandang magbasa. Nagsisimula ito habang sanggol pa lamang ang bata at kailangang alagaan habang lumalaki lalo na’t ang unang tatlong taon ng lumalaking bata ay ang pinakamabilis na panahon ng pag-unlad ng kaniyang utak. Kaya naman, mahalagang bahagi ng Handang Magbasa ang suporta ninyong mga magulang upang mapaunlad ang kahandaan sa pagbasa ng mga bata.
Hinihikayat namin kayong makilahok sa layuning ito sa pamamagitan ng panonood ng mga training video, paggamit ng Ang Batang Handang Magbasa manwal, at pagbabasa ng mga aklat pambata kasama ang inyong anak.
Maging bahagi ng programa ng Handang Magbasa!
Alamin kung paano maaaring makapaglunsad ng sariling Handang Magbasa program sa inyong komunidad katuwang ang inyong lokal na pamahalaan.